"Ampangit sa Pilipinas. Mahirap, magulo, masalimuot, walang asenso, nililisan ng tao, puno ng mga pulitikong walang inisip kundi sariling pangkapakanan, walang seguridad, 'di mo alam kung may dadatnan ka pang trabaho pagpasok mo sa opisina, laging may nakaabang na panganib paglabas mo sa kalsada, sa sasakyan o kahit sa mall, pugad ng terorista, ekonomiyang walang kalatoy-latoy, napapaligiran ka ng mga taong nanlilimahid, mga batang walang makain, tambay, adik, out-of-school youth, sinasagasa mo sa pangaraw-araw na biyahe ang abot-leeg na polusyon, ingay, madayang konduktor na kulang magbigay ng sukli... at para saan? Mamamatay ka sa 'Pinas nang dilat ang mata.Pero nandito ka pa 'rin. Hnlabo mo, mehn."
"Minsan, naisip ko na 'rin na mangibang-bayan. Pero nandito pa 'rin ako, sa maliit na sulok ng mundong ito. May ganda pa ang Pilipinas kung magmamasid ka ng mabuti. Parang isang litrato, kung saan kailangan mong ihiwalay ang iyong magandang "subject" mula sa kanyang nakagugulong background.Sapat pa naman ang kinikita ko para sa aking pagkain, maliit na selda, pusa at minsang luho. Nandito ang karamihan ng aking kamag-anak, kaibigan at iba pang karakter na 'di ko na maihiwalay sa aking pangaraw-araw na buhay. Natutunan ko nang tawanan ang Pinoy pulitika gaya ng mga taong nanlilimahid sa paligid ko. Dito ko natutunang umibig, mabigo, at umibig pang muli. Dito ako namulat kung paanong maging "smarte" o madiskarte para sa araw-araw na pagsagasa sa buhay bilang isang pangkaraniwang Juan de la Cruz. Nandito ang magulo ngunit makulay na buhay na hindi ko pa nakita o narinig sa iba pang lugar. Mamamatay akong dilat ang mata, may ngiti sa aking labi at napaliligiran ng aking mga mahal sa buhay. Iyan ang malinaw sa akin, kaya nandito pa 'rin ako."
by JM
http://personalwilli.blogspot.com
Tuesday, March 4, 2008
ampangit sa 'pinas...
Posted by JOE at 10:10 AM